Jerusalem, hubarin mo na ang damit-panluksa at isuot mo ang walang hanggang kaluwalhatian ng Diyos.
Ibalabal mo ang kanyang katuwiran at iputong mo sa iyong ulo ang korona ng kaluwalhatian ng Diyos na walang hanggan.
Itatanyag ka niya sa lahat ng dako.
Tatawagin kang “Kapayapaang bunga ng katuwiran at Kaluwalhatiang bunga ng pagiging maka-Diyos.”
Jerusalem, tumayo ka at umakyat sa mataas na burol. Tumingin ka sa silangan at tanawin mo ang iyong mga anak na sa isang tawag lamang ng banal na Diyos ay natitipon mula sa silangan hanggang sa kanluran. Nagagalak sila sapagkat hindi sila kinalimutan ng Diyos.
Pilit silang inagaw sa iyo at kinaladkad palayo, ngunit ngayo'y ibinabalik sa iyo na sakay sa kaluwalhatiang wari'y nakaupo sa maharlikang trono.
Iniutos ng Diyos na patagin ang matataas na bundok at walang hanggang burol, at tambakan ang mga libis upang panatag na makabalik ang bayang Israel na puspos ng kaluwalhatian ng Diyos.
Sa utos niya'y lilitaw ang maraming mababangong punongkahoy upang liliman ang Israel.
Aakayin sila ng Diyos, at babalik silang masaya na pangangalagaan ng kanyang habag at katuwiran, at liligaya sa liwanag ng kanyang walang hanggang kaluwalhatian.